Alinsunod sa bagong protocol sa pagpapakawala ng tubig sa mga dam, binuksan na ng Magat River Integrated Irrigation System ang isang gate nito upang hindi umapaw dala ng matinding ulan na dulot ng Bagyong Maymay.
Sa ulat ng National Irrigation Administration (NIA), kaninang 4:30 ng hapon, pinakawalan ng Magat ang nasa 200 cubic meters per second na dami ng tubig.
Nitong 12:00 ng tanghali ang lebel ng tubig sa Magat Dam ay nasa 187.35 meters above sea level o 3 metro bago ito umapaw o umabot sa spilling level nito na 190 meters.
Posible namang madagdagan ang pinapakawalang tubig depende sa dami ng ulang babagsak sa Magat Watershed.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga mababang lugar na maghanda sa posibleng paglikas.
Nagsimula na ring magpakawala ng tubig ang Bustos Dam para maiwasan ang pag-apaw nito.
Ito’y matapos na umabot sa 16.95 meters ang current water elevation ng dam.
Binuksan na ang gate 1, 2, at 3 ng dam at nagpakalawala ng tubig na aabot sa 184 cubic meters per second.
Tiniyak naman ni NIA Administrator Benny Antiporda na nasa maayos na kondisyon ang mga kagamitan o equipment ng NIA para sa kaligtasan ng publiko.