Magat Dam, nagbukas ng isang gate; ilang dam, nagbukas na rin

Binuksan ang isang gate ng Magat Dam kaninang alas-kwatro ng hapon upang magpakawala ng tubig dahil sa pananalasa ng Bagyong Nika.

Ang nasabing gate ay aabot ng isang metro ang taas at magpapakawala ng tubig na aaabot sa 226 cubic meters per second.

Ayon kay Flood Forecasting and Warning System for Dam Operation (FFWSDO-PAGASA) Hydrologist Elmer Caringal, umangat na sa 181.95 meters ang water level ng Magat Dam kaninang alas-otso ng umaga kumpara sa normal water level nito na 193 meters.


Dahil dito, pinapaalalahan ng ahensya ang mga lugar sa Alfonso Lista sa Ifugao, Ramon, San Mateo, Aurora, Cabatuan, Luna, Reina Mercedes, Burgos, Naguillian, at Gamu sa Isabela na maaaring maapektuhan ng pagpapakawala ng tubig ng dam.

Matatandaang nagpakawala na rin ang Ambuklao Dam at Binga Dam kaninang alas-otso ng umaga pati na rin ang San Roque Dam kaninang alas-dose ng tanghali.

Sa ngayon, patuloy pa ring mino-monitor ng FFWSDO ang mga iilan pang dam sa Luzon kung kinakailangang magpakawala muli ng tubig.

Facebook Comments