Magat Dam, nagpakawala na ng tubig habang papalapit si Bagyong Uwan

Nagpakawala na ng tubig ang Magat Dam bilang pre-emptive measure sa gitna ng banta ng paparating na Bagyong Uwan, ayon sa National Irrigation Administration (NIA).

Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang biglaang pag-apaw sakaling sabayan ng malakas na ulan sa mga susunod na araw.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, ipinaliwanag ni National Irrigation Administration of the Philippines (NIA) Administrator Engr. Eduardo Guillen na maingat at kontrolado ang operasyon dahil sa paggamit ng smart weather forecasting system, na nakatutok sa dami ng ulan na babagsak sa mga catchment area.

Dagdag pa ni Guillen, dahil sa makabagong teknolohiya, naisasabay na ng NIA ang pamamahala ng dam sa pagbibigay ng sapat na patubig sa mga magsasaka habang pinapanatili ang ligtas na antas ng tubig.

Sa ngayon, nananatiling alerto ang mga awtoridad habang binabantayan ang posibleng epekto ng Bagyong Uwan sa Northern at Central Luzon.

Facebook Comments