Magpapatuloy ang Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) sa pagbibigay ng magdamagang “passenger at road-user assistance” at serbisyo kaugnay sa “Oplan Biyaheng Ayos 2023: one-stop-shop help desks” sa ilang piling terminal sa Metro Manila.
Katuwang ng I-ACT sa programa ang PCG, PNP-HPG, at mga lokal na pamahalaan, kung saan bukas ang help desks mula alas-nuwebe ng gabi hanggang ala-sais ng umaga araw-araw upang magbigay ng kinakailangang tulong sa mga pasahero at mga gumagamit ng kalsada sa buong gabi.
Patuloy rin ang kanilang pagpapatupad ng mga random inspections sa mga bus terminal at spot inspections o pag-check ng kalidad o road worthiness ng mga PUV’s na bumabiyahe.
Ang mga one-stop-shop help desks ay matatagpuan sa mga terminal ng Five Star (Montreal), Victory Liner (EDSA SB), DLTB (Buendia Taft, Pasay), Five Star (Pasay, Tramo), GV Florida (Lacson, Manila) at Victory Liner (Caloocan).
Samantala, nakaagapay pa rin ang ahensya sa mga pauwi at mga luluwas naman na manggagaling sa probinsiya para pa rin sa kaligtasan ng mga pasahero.