Manila, Philippines – ‘Pagpapakatao’ ang naging sentro ng banal na misa na isinagawa sa Quirino Grandstand bago ang pagsisimula ng Traslacion ng Itim na Nazareno.
Sa misa na pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Tagle, sinabi nito na ang tunay na tao ay tinatanggap ang kanyang kababaan at hindi nagmamataas.
Aniya, wala sa posisyon, pera o kapangyrihan ang pagiging tao kundi sa pagiging simple at pamumuhay ng tama at may pagmahal sa kapwa.
Kasabay nito, hiniling rin niya na ipagdasal ang mga nasa Marawi at mga nasalanta ng mga kalamidad.
Dumalo rin sa banal na misa sina Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia, Manila Mayor Joseph Estrada, Philippine National Police Chief Ronald Dela Rosa, National Capital Region Police Office Chief Oscar Albayalde at Metropolitan Manila Development Authority Chairman Danilo Lim.