MAGHANDA AT MAKINIG | DENR, naka-monitor na kaugnay ng patuloy na pagputok ng bulkang Mayon sa Albay

Manila, Philippines – Nakatutok rin sa sitwasyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay ng patuloy na pagputok ng bulkang Mayon sa Albay.

Partikular na mino-monitor ng DENR ang ‘air quality’ sa mga apektadong bayan ng Camalig, Guinobatan at mga lungsod ng Tabaco at Ligao kasama na ang palibot ng umiiral na 6 kilometer radius danger zone at extended 7 kilometer radius danger zone.

Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, patuloy silang makikipag-ugnayan sa Department Health, Albay local government at maging sa PHIVOLCS upang malaman ang epekto ng volcanic eruption hindi lamang sa kapaligiran kundi maging ang kalidad ng tubig sa lalawigan.


Kaugnay naman ng report ng Environmental Management Bureau (EMB) sa Region 5, sinabi ni Director Eva Ocfemia na pasok pa naman sa tinatawag na ‘guideline value’ ang na-monitor na sulfur dioxide na ibinuga ng bulkan at napadpad sa Camalig at Guinobatan.

Pero sa patuloy na pag-aalburuto ng Mayon, ang Guinobatan aniya ang nakikitaan ng pagtaas sa konsentrasyon ng nabanggit na volcanic gas.

Babala ng mga eksperto masama sa kalusugan ng tao na malanghap iang sulfur dioxide dahil nakaka-apekto ito sa respiratory system ng tao.

Kaya’t pinapayuhan ng ahensya ang mga residente doon na magpatupad ng kaukulang paghahanda sa nararanasang ash fall at makinig sa mga paalala at babala ng mga otoridad.

Facebook Comments