Manila, Philippines – Ipinapaubaya na lamang ni AFP Chief of Staff General Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging papel niya sa gobyerno sa panahong matapos na ang kanyang termino sa AFP.
Sa send-off ceremony ng 100 mga babaeng pulis at sundalo patungong Marawi sa Villamor airbase sinabi nitong si Pangulong Duterte na ang bahala sa kanya.
Una nang sinabi ng Pangulo na nais niya magsilbi si Año bilang senior aide pagkatapos ng kanyang mandatory retirement sa October.
Matatandaang nais din ng Pangulo na italaga si Año sa DILG bilang kapalit ni dating DILG Secretary Ismael Sueno.
Pero alinsunod sa Republic Act 6975 o ang Department of the Interior and Local Government Act of 1990, walang retired o resigned military officer at police official ang maaaring italaga bilang secretary makaraan ang kanyang retirement sa loob ng isang taon.
Sinabi ni Año na ikinagagalak niya ang tiwalang ibinibigay ng Pangulo sa kanya at nangakong hindi ito sisirain.