Tiniyak ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na babantayang mabuti ng Senado ang magiging transaksyon ng pamahalaan kaugnay sa pagbili ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Zubiri, ito ang dahilan kaya sila magko-convene sa Enero ng susunod na taon bilang Committee of the Whole para busisiin ang vaccination program ng gobyerno laban sa COVID-19.
Pahayag ito ni Zubiri, makaraang sabihin ng Department of Science and Technology (DOST) na katanggap-tanggap ang 50 percent na efficacy rate ng COVID-19 vaccine mula sa Chinese pharmaceutical company na Sinovac Biotech.
Diin ni Zubiri, hindi papayag ang Senado na ang ibibigay na bakuna sa mamamayang Pilipino ay palpak at walang silbi sa pagbibigay proteksyon laban sa COVID-19.
Giit naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, buhay at kinabukasan ng mga Pilipino ang nakataya dito, kaya hindi natin tatanggapin ang salitang ‘pwede na’ pagdating sa usapin ng bakuna.