Magkaibigang nanghuhuli lang ng gagamba, patay sa pamamaril

350

Nauwi sa trahedya ang panghuhuli ng gagamba ng dalawang lalaki nang pagbabarilin matapos mapagkamalang mga police asset sa Laguna, Miyerkules ng madaling araw.

Kapwa dead-on-the-spot dahil sa mga tinamong tama ng bala sa katawan ang mga biktimang sina Jaymark Epregante, 20, junkshop boy, residente ng Brgy. Bagong Bayan, San Pablo City, at Dave Christian Garcia, 25, tricycle driver ng Brgy. Concepcion.


Tinukoy ng San Pablo City Police ang hindi pinangalanang suspek na bagong laya na sangkot din umano sa iligal na droga at nakawan sa lugar.

Hinala ng pulisya, napagkamalan ng suspek na police asset ang dalawang lalaki dahil madaling araw at malapit sa bahay ng suspek ang insidente.

Base sa salaysay ng isang 16-anyos na binatilyong kasama ng mga biktima, nanghuhuli lang ng gagamba ang dalawa para sana maibenta, nang dumating ang naka-motorsiklong suspek.

Tinutukan umano ng baril ang binata na noon ay nagbabantay lang ng tricycle.



Sa takot ay tumakbo ang binatilyo at humingi ng tulong, ngunit patay na nang abutan nila ang mga biktima.


Tinutugis na ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong double murder.

Facebook Comments