Manila, Philippines – Ibinunyag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mayroong kowalisyon na planong patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay AFP Assistant Deputy Chief for Operations, Brig/Gen. Antonio Parlade – ang grupo ay binubuo ni Rey Casambre – consultant ng mga rebeldeng komunista, Satur Ocampo, Coalition for Justice (CFJ) ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang Tinding Pilipinas na kinabibilangan ng Liberal Party at ni Senator Antonio Trillanes.
Sinabi naman ni AFP Chief of Staff, Gen. Carlito Galvez – ang grupo ay pinapasok ang labor organizations ng mga iba’t-ibang kumpanya at nagsasagawa ng aklasan.
Inihalimbawa nila ang nangyaring insidente sa Nutri-Asia sa Marilao, Bulacan.
Binanggit din ni Parlade na may narekober silang mga dokumento na ang Tindig Pilipinas ay nakipag-alyansa sa movement against tyranny para sa aklasan at sa planong patalsikin si Pangulong Duterte.
Ang main objective ng kowalisyon ay gamitin ang mga isyu tulad ng extrajudicial killings (EJK), martial law, tyranny sa media at opposition laban sa Pangulo.
Bagaman at nabigo ang kanilang plano noong September 21, gagawin nila ito sa susunod na buwan at tatawaging ‘red October’.
Ang red October ay isang international celebration ng communism, marxism at indigenous people’s month.