MAGKAKASUNOD NA BAGYO, NAGDULOT NG HIGIT P21.5M PINSALA SA AGRIKULTURA SA LA UNION

Tinatayang umabot sa P21,508,692.59 ang kabuuang pinsalang naidulot ng magkakasunod na Bagyong Mirasol, Nando at Opong sa buong lalawigan ng La Union.

Ito ay base sa pinakahuling datos ng La Union Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa kanilang patuloy na monitoring at assessment.

Isa naman umanong malaking bahagi ng P5. 9 bilyong pinsala sa imprastraktura ang bumigay na bahagi ng Nagyubuyuban Road sa San Fernando City dahil sa erosion.

Samantala, ang abot limang libong evacuees ay nakauwi na umano sa kanilang tahanan maliban na lamang umano sa isang evacuation center na may nanunuluyang labing dalawang pamilya o katumbas ng 44 indibidwal.

Mayroong mga nasa 55 pamilya o 180 indibidwal na evacuees naman ang pansamantalang nanunuluyan sa kanilang kamag-anak o kakilala sa labas ng evacuation centers.

Kaugnay nito, tiniyak ng pamahalaang panlalawigan ang pagsisikap na matugunan ang pangangailangan ng mga apektado dahil sa kalamidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments