Magkakasunod na nakawan sa isang condo sa Quezon City, inirereklamo na ng mga unit owner

Apat na magkakasunod na insidente ng panloloob sa mga condominium units ang nangyari sa Cubao, Quezon City.

Sa Facebook post ng Access Travel and Tours CEO Angely Dub na umabot na ng halos 1,000 shares, nilooban ang kanyang condo unit sa 35th floor ng Amaia Skies Cubao, Linggo ng alas-2:00 ng madaling araw.

Nataon naman na mula Biyernes ay wala ito sa kanyang unit at nananatili muna ang negosyante sa bahay ng kanyang magulang.


Sa post, ay makikitang nanatili pa sa kanyang condo ang mga kawatan dahil sa mga iniwang upos ng sigarilyo at inumin.

Lahat din ng mga pinaghirapan ng negosyante ay ninakaw at tanging passport lamang nito ang iniwan.

Batay pa sa post ay apat na insidente na ng panloloob at nakawan ang nangyari sa parehong floor ng condo at wala ring CCTV sa nasabing palapag.

Dahil dito, umaalma ang mga unit owners sa kanilang seguridad sa loob ng naturang condo.

Hanggang ngayon ay wala pa ring tugon sa magkakasunod na insidente ang AyalaLand at Amaia Skies.

Facebook Comments