Magkakasunod na pag-atake sa mga politiko hindi magkakaugnay – PNP

Walang ebidensya na magkakaugnay sa isa’t isa ang sunod-sunod na pag-atake sa mga halal na opisyal ng gobyerno.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., dahil lumalabas sa imbestigasyon na ang mga responsable sa krimen ay may iba’t ibang motibo, at hindi nito sinasalamin ang pangkalahatang peace and order situation sa bansa.

Matatandaang bago ang pag-atake kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo nitong Sabado, nakaligtas sa ambush si Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong noong Pebrero 17, at nasawi naman si Aparri Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda nitong Pebrero 19; habang sugatan naman ang Mayor ng Datu Montawal, Maguindanao del Sur sa pamamaril sa Pasay City nitong Pebrero 22; at patay sa pamamaril si Barangay Chairman Vivencio Palo sa Barangay San Carlos, Lipa City noong Pebrero 26.


Sa huling insidente ng pag-atake kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo nitong Sabado, iniulat ng PNP chief na lima sa pinaniniwalaang 10 suspek ang nutralisado na kung saan ang apat ay pawang nasa kustodiya na ng mga pulis at nakipagtutulungan naman sa imbestigasyon.

Facebook Comments