Pinaiimbestigahan ni Energy Committee Vice Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang magkakasunod na pagpalya ng power transmission system sa bansa.
Sa inihaing Senate Resolution 607 ni Gatchalian, pinasisilip nito sa kaukulang komite sa Senado ang serye ng pagkaantala sa serbisyo ng mga electric transmission na layong matiyak na may maaasahan at tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa bansa.
Tinukoy ni Gatchalian sa resolusyon ang serye ng transmission system disturbances na ini-report ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na nagdulot ng abala sa mga komunidad at sa mga negosyo.
Kabilang dito ang pagpalya ng transmission sa Visayas Grid noong April 27 na nauwi sa hanggang 12 oras na power blackouts sa Panay, Guimaras, at Negros na tumagal hanggang April 30; ang red at yellow alerts sa Luzon Grid noong May 8 na dahil naman sa pag-trip ng Bolo-Masinloc 230kV Line 2; at ang pagtapyas ng Meralco ng power supply sa mga kabahayan bunsod naman ng biglang power plant outage.
Iginiit ni Gatchalian sa resolusyon na ang NGCP bilang ‘sole backbone’ ng transmission ng kuryente sa buong bansa ay dapat na papanagutin sa mga aberyang nangyari sa suplay ng kuryente.
Minamandato rin ang NGCP na magsumite ng comprehensive audit tungkol sa reliability ng transmission system, grid at iba pang kahalintulad na pasilidad.