Pinaiimbestigahan ni Senator Risa Hontiveros ang magkakasunod na kaso ng pagpatay sa ilang mga kabataan na ang may gawa ay mga pulis.
Ang pagpapaimbestiga rito ng senadora ay salig na rin sa Senate Resolution 776 na kanyang inihain kung saan inaatasan na magkasa ng joint hearing ang Senate Committees on Women, Children, Family Relations and Gender Equality at ang Public Order and Dangerous Drugs tungkol sa tumataas na bilang ng mga kabataang napapatay ng mga pulis.
Hindi pa man kasi nakakarekober ang bansa mula sa ginawang pagpatay ng anim na pulis Navotas sa 17 anyos na si Jemboy Baltazar ay panibagong kaso ng pamamaslang nanaman ng mga pulis ang nangyari sa isang 15 anyos na si John Frances Ompad sa Rodriguez, Rizal.
Pinaslang si Ompad ilang linggo lang pagkatapos mangyari ang insidente ng pagpatay ng mga pulis kay Baltazar dahil sa ‘mistaken identity’.
Katulad ni Baltazar, si Ompad ay nadamay lang din matapos makarinig ng magkakasunod na putok sa labas ng kanilang bahay.
Kinilala ang pulis na nakapatay sa biktima na si Corporal Arnulfo Sabillo na kung saan ang puntirya pala nito dapat ay ang kapatid ni John Frances na sinita at hinabol nito habang nagmo-motor.
Nakasaad sa resolusyon na batay sa mga independent reports, tinatayang aabot sa 129 na mga kabataan ang napaslang sa pagitan ng 2016 at 2020 kung saan sa bilang na ito 40 percent ng child killings ay kagagawan ng mga pulis habang ang natitira sa bilang na ito ay gawa ng mga hindi pa kilalang salarin pero ang iba ay may direktang link o kaugnayan sa pulis.