Magkapatid na Menor de Edad, Isa Patay Isa Sugatan Matapos Pinagsasaksak ng Sariling Tiyuhin!

443

Bayombong, Nueva Vizcaya – Dead on arrival sa pagamutan ang isang kinse anyos at malubhang nasugatan naman ang trese anyos na kapatid nito matapos pagsasaksakin ng sariling tiyuhin kahapon ng madaling araw, sa barangay Bonfal Proper, Bayombong Nueva Vizcaya.

Ayon kay Police Chief Inspector Joberman Videz, hepe ng Bayombong Police Station, ang nasawi na estudyante ay kinilalang si Mark Jenver Padilla, samantalang ang kapatid nito na malubhang nasugatan sa dibdib ay si Trixia Mae Padilla.

Samantalang ang suspek ay kinilalang si Willy Sonio, limamput dalawang taong gulang, may asawa, isang security guard at tiyuhin ng mga biktima na residente rin sa nasabing lugar.

Ayon pa kay Police Chief Inspector Videz nagising umano ang nakababatang Padilla dahil may inilagay sa kaniyang mukha at nakita na may lalaki sa kanilang tinutulugang kubo.

Dahil dito ginising ni Trixia ang kanyang kapatid ngunit nang makita sila ng suspek ay agad inundayan ng sasaksak ang mga biktima.

Nakatakbo naman si Trixia at humingi ng tulong sa kanilang bahay na malapit lamang sa tinulugang kubo.

Kaagad na dinala sa pagamutan ang dalawang biktima ngunit ideneklarang dead on arrival na si Mark Jenver, samantalang nadakip naman ang suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP Bayombong at inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa suspek.

Dinagdag pa ni Chief Inspector Videz na maaaring tinangka ng suspek na gahasahin ang kanyang pamangkin subalit nagising umano ito at nakikilala ang suspek kayat tinangka nitong patayin ang magkapatid.

Facebook Comments