Kinasuhan sa Office of the Ombudsman ng isang residente ng Malabon, sina Malabon Mayor Antolin “Lenlen” Oreta at Malabon City Councilor Jose Lorenzo Oreta.
Ang nagsampa ng kaso ay isang nagngangalang Rogelio Santos.
Kasong administratibo, sibil, at kriminal ang isinampa laban sa magkapatid na Oreta.
Sa reklamo ni Santos, dalawang magkasunod na taon umano na inaprubahan ni Mayor Oreta ang pagtatalaga sa kaniyang kapatid na si Councilor Oreta sa posisyong Special Agent 1 sa Mayor’s Complaint and Action Center sa lungsod.
Ani Santos, sa pagkakatalaga ni Councilor Oreta noong 2013 at 2014 ay tumanggap umano ito ng sweldo, benepisyo at pribilehiyo, ayon sa kaniyang posisyon.
Layon ng mga inihaing kaso na mapatawan ng Order for Preventive Suspension sina Mayor Oreta at Councilor Oreta habang nakabinbin ang imbestigasyon at paghatol sa kanila.