Cauayan City, Isabela- Umaasa ang mga Municipal Health Office (MHO) Lubuagan na magiging negatibo ang resulta ng muling pagsusuri sa dalawang magkapatid na naunang napaulat na nagpositibo sa COVID-19 UK variant.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Dr. Caroline Agyao, Municipal Health Officer, muling isasailalim ngayong araw ang dalawang magkapatid na lalaki na pawang 5 at 7 na taong gulang para matiyak kung magnenegatibo pa rin sa UK variant ang mga ito.
Aniya, sa unang bugso ng contact tracing ay 14 ang nagpositibo sa COVID-19 mula sa 22 napasailalim sa contact tracing.
Ayon pa kay Dr. Agyao, walang kasaysayan ng pagbiyahe ang magkapatid at asymptomatic ang mga ito kung kaya’t palaisipan kung saan posibleng nakuha ang UK variant habang ang ina naman ng mga bata ay negatibo sa nasabing variant.
Matatandaang nagpositibo sa SARS-CoV-2 ang magkapatid noong Pebrero 17, 2021 hanggang magnegatibo ang kanilang resulta nitong Marso 3-8 sa talaan ng Provincial Epidemiologic Surveillance Unit (PESU).