Magkapatid, Sinaksak ng Kanilang Pinsan

Cauayan City, Isabela- Sugatan ang dalawang magkapatid na lalaki matapos saksakin ng kanilang pinsan sa Sitio Balanan, Barangay Mapurao, Allacapan, Cagayan.

Kinilala ang dalawang biktima na si Manuel Ludo Jr, 33 anyos, may-asawa, magsasaka at Mikeson Ludo, 30 anyos, may-asawa, magsasaka habang ang suspek ay nakilalang si Larry Boy Asiastico, 44 anyos, walang asawa, magsasaka at pawang mga residente sa naturang lugar.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PSSg Rosalito B Labbao Jr, imbestigador ng PNP Allacapan, nagtungo umano ang suspek na nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin at may dalang itak sa bahay ng dalawang pinsan nito.


Nanghamon umano ng away ang suspek kaya’t lumabas din bahay ang dalawang magkapatid na nasa impluwensya rin alak hanggang sa nagkaroon ang mga ito ng mainitang pagtatalo.

Dito na inilabas ng suspek ang dalang itak at isinaksak kay Manuel Ludo.
Umawat ang kapatid nito subalit sinaksak rin ito ng suspek.

Ayon pa sa imbestigador, agad na naisugod sa pagamutan ang dalawang biktima habang naaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek na ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong frustrated murder na isasampa laban sa suspek.

Facebook Comments