Magkasunod na pagsabog sa Jolo, kinondena ng Malacañang

Kinondena ng Malacañang ang magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu na nagresulta sa pagkasawi ng ilang sundalo at sibilyan at kinasugat ng marami.

Sa ipinalabas na pahayag ng Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kumikilos na ang mga awtoridad para imbestigahan ang malagim na insidente.

Inaalam na aniya ng mga awtoridad ang mga nasa likod na insidente para mapanagot sa batas.


Kasabay nito, nagpaabot ng pakikiramay ang Palasyo sa pamilya ng mga nasawi sa insidente.

Nanawagan din si Roque sa mga taga-Jolo na manatiling mapagmasid at agad na i-report ang mga taong may kahina-hinalang kilos at mga bagay na inabandona sa mga matataong lugar.

Batay sa pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang unang bomba ay itinanim sa isang nakaparadang motorsiklo malapit sa mga sundalo habang ang pangalawang bomba ay kagagawan ng pinaniniwalaang suicide bomber na namatay din sa pagsabog.

Facebook Comments