Magkasunod na Sagupaan ng Militar at NPA sa Ifugao, Walang Casualty

69

Cauayan City, Isabela- Walang naitalang casualty o nasawi sa nangyaring magkasunod na engkuwentro sa pagitan ng militar at New People’s Army (NPA) sa barangay Nanggulunan, Hungduan, Ifugao.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni Army Major Noriel Tayaban, Chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Gayunman, dinagdagan naman ang puwersa ng mga sundalo na nagsasagawa ng hot pursuit at clearing operation sa pinangyarihan ng engkuwentro upang tuluyang makubkob ang mga nakasagupang rebelde na mga miyembro ng Kilusang Larangang Guerilla (KLG) Marco ng Ilocos Cordillera Regional Committee (ICRC) ng CPP-NPA.

Ayon pa kay Major Tayaban, wala namang narekober ang tropa ng 54th Infantry Battalion na mga baril o anumang gamit ng mga nakasagupang rebelde sa lugar.

Magugunita nitong ika-13 ng Setyembre na nauwi sa palitan ng putok ng baril sa pagitan ng kusundaluhan at NPA ang ginawang pagtugon ng mga sundalo sa natanggap na sumbong mula sa isang concerned citizen na mayroong presensya ng makakaliwang grupo sa kanilang barangay.

Facebook Comments