Isang inisyal na Post-Disaster Needs Assessment (PDNA) na tutukoy sa mga lugar na dapat bigyang prayoridad sa relief efforts at ang paghingi ng tulong sa international community para sa relief assistance.
Ito ang formula na isinusulong ni presidential aspirant Senator Panfilo “Ping” Lacson para masiguro na makakaabot sa mga biktima ng Bagyong Odette ang kailangan nilang tulong.
Para kay Lacson, ang mga hakbang na ito ay makakatulong sa mga inisyal na aksyon na ginawa ng gobyerno para matugunan ang sitwasyon sa mga lugar na apektado ng kalamidad.
Ayon kay Lacson, ang pagtatalaga kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista bilang interim crisis manager ay isang hakbang tungo sa tamang direksyon.
Ngunit binigyang diin ni Lacson na dapat magpulong sa lalong madaling panahon ang National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) para masiguro ang maayos na koordinasyon sa lahat ng ahensya na nagsasagawa ng relief work.
Inihalimbawa rin ni Lacson ang ginawa niyang Comprehensive Reconstruction Rehabilitation and Recovery Plan na magsisilbing basehan ng gobyerno sa pagtulong sa mga apektadong lugar noong sya ay Presidential Assistant on Rehabilitation and Recovery.