
Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagkaka-aresto sa entrapment operation sa Maynila sa maglive-in partner na illegal recruiters.
Ayon sa DMW, naaktuhan ang mga suspek na sina Princess Nicole Villarial Cruz at Ricardo Mabborang Balubal na tumatanggap ng placement fee mula sa mga aplikanteng nais magtrabaho sa abroad.
Sinabi ng DMW na pinangakuan ng mga suspek ang biktima ng trabaho sa Australia bilang housekeeper at buwanang sahod na ₱60,000-₱70,000.
Pinaasa rin ang biktima na makakaalis sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan kapalit ng ₱80,000 bilang processing at placement fee.
Gayunman, matapos mabayaran ang nasabing halaga, sinabi ng mga suspek na nagkaproblema anila ang opisina sa Dubai at kinakailangang iproseso muli ang mga dokumento sa Australia.
Nang hindi pa rin makaalis ang mga aplikante pagsapit ng Pebrero 2025, hiningi nila ang kanilang pera ngunit tumanggi ang mga suspek at sinabing maaari na lang silang mag-apply papuntang Greece bastat magbayad lamang ng karagdagang ₱10,000.
Dahil dito, ikinasa ang entrapment operation kung saan nahuli ang mag-partner habang tumatanggap ng ₱10,000 mula sa mga aplikante.
Sila ay nahaharap sa mga kasong large-scale illegal recruitment at estafa.
Nananawagan ang DMW sa iba pang naging biktima nina Cruz at Balubal na makipag-ugnayan sa kanila.