Manila, Philippines – Pinamamadali ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman at TUCP Partylist Rep. Raymond Democrito Mendoza ang pag-apruba sa panukala na mangangalaga at magsusulong sa karapatan ng mga Filipino seafarers.
Muling inihain ni Mendoza ang House Bill 4685 o Magna Carta of Filipino Seafarers na layong palakasin at protektahan ang bill of rights ng mga migrant workers sa karagatan.
Napapanahon na aniya para ipasa ang nasabing panukala kasunod ng nangyaring pagsabog ng isang oil tanker kamakailan sa South Korea kung saan may lulan itong 15 Filipino crew members.
Giit ni Mendoza, 2012 pa isinusulong ang Magna Carta for Seafarers at marami na ring stakeholders ang kinunsulta dito.
Bukod sa pagkilala sa karapatan at pagbibigay proteksyon sa mga seafarers, isinusulong din ng panukala ang mga nararapat na benepisyo at pagsunod sa pagpapatupad ng standards ng Maritime Labour Convention of 2006.
Dagdag pa ng kongresista, ang mga seafarers ay kabilang sa malaking bahagi ng mga OFW at ang Pilipinas ang pinakamaraming supplier ng seafarers na nasa 700,000 workers na nagtatrabaho sa mga barko.