Muling inihain sa Kamara ni Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang panukalang Magna Carta of Benefits para sa mga opisyal at tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Tinukoy ni Barbers sa panukala na ang PDEA ang lead agency ng pamahalaan sa anti-drug campaign kung saan nalalantad ang mga tauhan nito sa mas delikadong sitwasyon dahil maraming sindikato ng iligal na droga ang nakakabangga ng ahensya.
Layunin ng House Bill 73 na mabigyan ang mga PDEA agents ng nararapat na kompensasyon, benepisyo at mga programa para sa pagpapaunlad ng kanilang propesyon.
Nais ng kongresista na tumaas at dumami pa ang mga marerecruit na PDEA agents sa oras na maging ganap na batas ang panukala.
Kabilang naman sa mga career oportunities na ibabahagi sa mga tauhan ng PDEA ang career development program, training at schooling, gayundin ang pagtuturo sa pagbibigay halaga sa human dignity at dedikasyon sa serbisyo.
Dismayado ang mambabatas na sa kabila ng delikadong papel na ginagampanan ng mga PDEA agents ay hindi masyadong nabibigyang pansin ang economic well-being at professional development ng mga ito.