Niratipikahan na ng Senado ang pangatlong bicameral conference committee report tungkol sa panukalang “Magna Carta of Filipino Seafarers”.
Magkagayunman, tinutulan nina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Senator Risa Hontiveros ang panukala habang si Senator Joel Villanueva ay pumabor sa kabila ng mabigat ang loob.
Ang panukala ay naglalayong bigyang proteksyon at paghusayin pa ang kakayahan ng mga seafarers para makasiguro ng trabaho.
Tinututulan nina Pimentel at Hontiveros ang pagbabalik ng probisyon kung saan inoobliga ang mga seafarers na magbayad ng bond kapag may demanda sa employer.
Giit ng mga senador ito ay labag sa constitutional mandate na patas na pagtrato sa lahat dahil wala namang ganito sa ibang mga manggagawa kapag nagdedemanda sa kanilang mga employers.
Kinwestyon din naman nina Hontiveros at Villanueva ang paggamit sa Aksyon Fund ng Department of Migrant Workers para sa paglalagak ng bond ng mga shipowner at manning agency dahil ito ay pondo dapat para sa emergency ng mga migrant workers.
Katwiran naman ni Senator Raffy Tulfo na sponsor ng panukala, ang bond provision ay galing sa Kamara at hindi sa Mataas na Kapulungan.