Magnanakaw, nalaslas ang leeg ng ginamit na electric cutter para kumuha ng pera sa bangko

418
(DepositPhotos)

INDIA – Nauwi sa kamatayan ang tangkang pagnanakaw ng lalaki sa isang pribadong bangko sa Gujarat matapos niya aksidenteng mapatay ang sarili dahil sa hawak na electric cutter.

Sa report ng Gulf News, hindi sinasadyang malaslas ng magnanakaw ang kanyang leeg ng hawak na electric cutter na kanyang ginagamit para mabuksan ang strong room ng Ujjivan Small Finance Bank sa Sangam Crossroads noong gabi ng Sabado.

Ayon sa ulat ni police inspector sa Varasiya police station, naputol na noon ng lalaki ang inner plate ng strong room nang mangyari ang insidente.

Lumalabas na panandaliang natigil ang cutter matapos may gumalaw na wire na agad namang inayos ng magnanakaw.

At nang akmang babalik sa makitid na daanan patungo ng strong room, biglang gumalaw ang hawak na cutter nito at tumama sa kanyang leeg– na pumatay sa kanya on-the-spot.

Napansin ng isang staff ang kahina-hinalang pangyayari nang makuhanan ito ng CCTV footage ng bangko.

Bandang 1:00 am, natagpuan ng manager ang duguang katawan ng lalaki sa loob ng strong room.




Agad itong idinulog sa pulisya kung saan nakilala itong si Nitin Vora.

Base naman sa report ng Press Trust of India (PTI), ang kasong maisasampa laban sa magnanakaw ay nasa ilalim ng IPC sections 380 (theft) at 511 (attempt to commit offence).

Samantala, matapos ang insidente ay naiuwi na ang bangkay ng lalaki sa kanyang pamilya.

Facebook Comments