Magnanakaw ng motor, patay sa checkpoint sa Cavite

Patay ang isang karnaper matapos makipagbarilan sa isang checkpoint sa Naic, Cavite.

Sa ulat ng Naic Municipal Police station na nakarating sa Camp Crame, nangyari ang insidente kaninang madaling araw sa Barangay Timalan Concepcion, Naic, Cavite.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nakatanggap ng tawag ang duty officer ng istasyon mula sa biktimang si Robert Litada, residente ng Barangay Timalan na tinangay ang kanyang motor ng hindi kilalang suspek.


Agad namang inalerto ang mga pulis na nagmamando ng Oplan Sita Checkpoint sa Barangay Timalan, at tinangka nilang harangin ang suspek pero nagtuloy-tuloy ito at pinaputukan pa ang mga pulis.

Sa nangyaring palitan ng putok, tinamaan ang suspek at nagawa pang isugod sa San Lorenzo Ruiz Hospital pero idineklarang dead on arrival.

Samantala, patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng nasawing suspek habang narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang isang revolver at ang kinarnap na motorsiklo.

Facebook Comments