Walang dapat ikabahala ang ilang samahan ng transportasyon partikular ang mga pumapasada ng tradisyunal na jeepney sa usapin ng phase out.
Ayon sa grupo ng transportasyon na Magnificent 7, suportado nila ang plano ng gobyerno sa modernisasyon ng transportasyon sa bansa.
Sinabi ni Ka Obet Martin ang tagapagsalita ng Magnificent 7, walang phase out na magaganap kung saan nais lamang ng Department of Transportation (DOTr) na maging road worthy ang mga tradisyunal na jeep.
Aniya, mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ang nagpahayag na walang phase out na magaganap.
Ang pahayag ng Magnificent 7 na kinabibilangnan ng Pasang Masda, Altodap, Piston, ACTO, Fejodap, Busina at Stop and Go Transport Coalition ay kasunod ng kanilang pagtungo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board para ipanawagan kay Pangulong Marcos na ibalik sa pwesto si Chairman Teofilo Guadiz III.
Iginiit kasi ng grupo na maayos naman ang trabaho at pakikitungo nito kung saan maganda rin ang inilatag nitong programa sa mga hanay ng transportasyon sa bansa.