Niyanig ng magnitude 7 na lindol ang probinsya ng Abra na naramdaman sa mga kalapit na probinsya hanggang dito sa Metro Manila.
Batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang epicenter ng magnitude 7.0 na lindol sa Satayum, Abra.
Unang inanunsyo ng PHIVOLCS ang magnitude 7.3 na lindol kaninang alas-8:43 ng umaga sa dalawang kilometro, East ng Lagangilang sa Abra ngunit ibinaba rin ito sa magnitude 7.
Sa interview ng RMN Manila kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, may lalim ang lindol na 25 kilometers at tectonic in origin.
Ayon kay Solidum, ang paggalaw ng Lagangilang fault line ang tinitingnan nilang dahilan ng pagyanig.
Babala ni Usec. Solidum, posibleng magdulot ng mga pinsala ang lindol lalo na sa Abra at mga kalapit na probinsya dahil sa naramdamang intensity 7 at intensity 8 na pagyanig.
Bunsod nito naramdaman ang mga intensity sa mga sumusunod na lugar:
Intensity 7 – Bucloc at Manabo, Abra
Intensity 6 – Vigan City, Sinait, Bantay, San Esteban, Ilocos Sur, Loac, Pangasinan at Baguio City
Intensity 5 – Magsingal at San Jusan sa Ilocos Sur, Alaminos City at Labrador sa Pangasinan, Bambang, Nueva Vizcaya, Mexico, Pampanga, Concepcion at Tarlac City sa Tarlac, Malabon City at Lungsod ng Maynila
Intensity 4 – Lungsod ng Marikina, Quezon City, Pasig, Valenzuela, Tabuk City sa Kalinga, Bautista at Malasiqui sa Pangasinan, Bayombong at Diadi sa Nueva Vizcaya, Guiguinto, Obando at San Rafael sa Bulacan, San Mateo sa Rizal
Intensity 3 – Bolinao, Pangasinan, Bulakan, Bulacan at Tanay, Rizal
Intensity 2 – General Trias City sa Cavite at Santa Rosa City sa Laguna
Ibinabala rin ng PHIVOLCS ang mga malalakas na aftershocks matapos ang lindol.