Manila, Philippines – Dapat pa rin na humarap sa kamara si SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ay kahit hindi na oobligahin si Sereno na humarap sa House Committee on Justice para sa pagdinig ng impeachment case nito.
Ayon kay Speaker Pantaleon Alvarez, dapat pa ring humarap si Sereno sa mga pagdinig dahil dumarami ang dapat niyang ipaliwanag habang tumitestigo ang mga taga-korte suprema kaugnay ng mga alegasyon ni Atty. Larry Gadon.
Sa katunayan ay kasama pa rin si Sereno sa iniimbitahan ng Komite para dumalo sa impeachment hearing.
Wala naman aniyang basehan ang katwiran ni Sereno na nahusgahan na ito ng mga kongresista kaya wala nang silbi na humarap pa ito.
Paliwanag ni Alvarez, kung may prejudgment na sila kay Sereno ay dapat hindi na tumagal pa ang impeachment hearing at iniakyat na ito sa Senado noon pa.
Ibinilin pa nga niya sa Komite na huwag madaliin ang impeachment para matibay talaga ito sa oras na maiakyat sa senado.