Manila, Philippines – Magpapasaklolo na si Merle San Pedro ng Movement for Maritime Philippines (MMP) kung saan ay kakausapin na nila ang kanilang mga kakampi sa Senado at Kamara upang iparating ang kanilang mga problema sa paglalayag sa ibang bansa.
Sa ginanap na forum sa Tapatan sa Manila sinabi ni San Pedro na napapanahon na upang bigyan prayoridad ang mga marino na malaking tulong para maiangat ang ekonomiya ng bansa.
Sa panig naman ng Migrante International Spokesman Arman Hernando natalo na umano sa China ang mga Pinoy na mandaragat partikular sa deployment sa shipping industry.
Inihalimbawa nito na noong taong 2010 nandiyan na umano yong tinatawag na buy out ng Chinese Firm na pinondohan ng Chinese Bank.
Dapat aniyang alamin kung papaano patatakbuhin at kung sino ang magpapatakbo dahil naniniwala ang kanilang grupo na ang tunay na nagpapatakbo sa shipping industry ay ang China.
Ipinaliwanag ni Hernando na ang mandaragat ang pinakadelikadong trabaho sa ibang bansa dahil nahihirapan ang gobyerno ng Pilipinas na ipagtanggol sa karapatan ng mga marino.
Dagdag pa nito na ang kadalasan umanong problemang nangyayari ay nagiging bias ang mga company doctor doon dahil sila ang nag-iimbestiga sa mga seafarers at hindi nabibigyan ng pagkakataon ang mga marino na ipagtanggol ang kanilang mga sarili.
Nangangamba rin aniya ang mga marino na bumababa ang kalidad ng mga seafarers dahil hindi naiaangat ang kalidad ng pagtuturo dito sa Pilipinas na dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno.