Manila, Philippines – Nagsabong sa pagdinig ng House Committees on Transportation at Public Works sina House Speaker Pantaleon Alvarez at Metro Rail Transit-3 (MRT-3) General Manager Rodolfo Garcia.
Nagkataasan ng boses sina Alvarez at Garcia matapos na ungkatin ng Speaker ang kakayahan ni Garcia dahil sa walang tigil na aberya ng MRT operations.
Wala ding tiwala si Alvarez sa pahayag ni Garcia na magagawa nila patakbuhin ang Dalian Trans ng China kahit inamin noon ng MRT Management na hindi ito akma sa riles ng tren.
Sa sobrang pagkapikon ni Garcia kay Speaker ay pinagtaasan niya ito ng boses at sinabi na gusto na niyang magbitiw sa pwesto.
Tinangka pa ni Garcia na magwalk-out sa hearing pero bumalik din ito ng pagbantaan ni Alvarez na iko-contempt.
Sa huli ay nag-sorry naman si Garcia kay Alvarez matapos na pakalmahin ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas.
Hindi na rin tinapos ni Garcia ang pagdinig at nagpaalam na ito para magpa-checkup sa clinic.