Magsasaka, Arestado Matapos Tagain ang Kapwa Magsasaka!

Bayombong, Nueva Vizcaya – Arestado ang isang lalaki matapos tagain ang kapwa magsasaka kamakailan sa Brgy. Bansing, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang suspek na si Reynaldo Bautista, tatlumpu’t tatlong taong gulang, may asawa, magsasaka, samantala ang biktima ay si Gregorio Bautista, animnapu’t isang taong gulang, byudo, magsasaka, magsasaka at pawang mga residente ng nasabing lugar.

Batay sa natanggap na impormasyon ng RMN Cauayan, nagkaroon umano ng mainit na komprontasyon hinggil sa alitan sa lupa sina Gregorio at Reynaldo bago mangyari ang insidente.


Lumalabas sa imbestigasyon ng Bayombong Police Station sa Pangunguna ng PO2 Malvar Ferrer, ang biktima ay nasa harapan ng kaniyang bahay nang dumating ang suspek kasama ang ilang kalalakihan at pinagtulungan umanong bugbugin at tadyakan nina Reynaldo at dalawang lalaki ang biktima hanggang sa natumba ito at tinaga ng suspek.

Maswerte naman na walang matinding pinsala ang biktima at nakalabas agad sa pagamutan.

Narekober naman sa suspek ang dalawampung pulgadang itak na ginamit sa pagtaga at nasa kustodiya na ng Bayombong Police Station na mahaharap sa kasong Attempted Homicide.

Facebook Comments