Magsasaka, Arestado sa Kasong Pagnanakaw!

*Cauayan City, Isabela-* Arestado ang isang magsasaka sa kasong pagnanakaw ng alagang hayop matapos isilbi ng mga otoridad ang mandamiento de aresto sa Brgy. District 1, Cauayan City, Isabela.

Nakilala ang akusado na si Joel Gumpal, 51 anyos, may asawa at residente ng Brgy. Linglingay, Alicia, Isabela.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Lt. Col. Gerald Gamboa, Hepe ng PNP Cauayan, naisampa ang kaso ni Gumpal sa PNP Alicia limang taon na ang nakalilipas nang mangyari ang pagbili ni Gumpal sa isang alagang hayop na walang kaukulang dokumento.


Bandang 9:10 kaninang umaga nang maaresto si Gumpal matapos magpalabas ng warrant of arrest si hukom Reymundo Aumentado ng RTC Branch 20, Cauayan City, Isabela dahil sa kasong Theft of Large Cattle.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang akusado para sa kaukulang dokumentasyon bago ipasakamay sa court of origin.

Facebook Comments