Magsasaka, Arestado sa Paglabag sa Omnibus Election Code!

*Reina Mercedes, Isabela- *Huli ang isang magsasaka matapos manggulo at makuhanan ng baril sa Brgy Santiago, Reina Mercedes, Isabela.

Kinilala ang naaresto na si Waldo Cansino, 48 anyos, may-asawa, at residente ng Brgy Cattaban, Burgos, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, isang concerned citizen ang tumawag sa himpilan ng PNP Reina Mercedes kaugnay sa panggugulo ng suspek sa nasabing lugar.


Sa pagresponde ng mga pulis ay naaktuhan ang suspek na nanghahamon ng gulo sa mga residente na dahilan ng kanyang pagkakadakip.

Narekober sa kanyang pag-iingat ang isang Kalibre 45, tatlong magazine at 19 piraso na bala.

Hinanapan ito ng kaukulang dokumento sa dalang baril subalit wala itong maipakita.

Nasa kustodiya na ng PNP Reina Mercedes ang suspek na mahaharap sa kaukulang kaso.

Facebook Comments