*Ilagan City, Isabela- *Arestado ang isang magsasaka matapos matiklo sa pagnanakaw ng kalabaw bandang alas dos ng hapon kahapon sa Brgy. Alibagu, City of Ilagan, Isabela.
Kinilala ang suspek na si Dominador Lapat, 46 anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Cabisera 18 City of Ilagan, Isabela habang ang biktima at may-ari ng kalabaw ay si Ricardo Casiraya, 57 anyos, magsasaka at residente naman ng Brgy Upi, Gamu, Isabela.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay PO2 John Paul Nicolas, imbestigador ng PNP Ilagan City, dumulog sa kanilang himpilan ang biktima hinggil sa pagkakawala ng kanyang alagang kalabaw na agad namang nirespondehan ng kapulisan.
Habang nagfo-follow up ang PNP Ilagan ay nakatanggap ng tawag ang biktima mula sa kanyang manugang na nakita ang kanyang nawawalang kalabaw sa Brgy Aggasian, Ilagan City at nakatakda umanong ipagpalit sa baka.
Sa pagresponde ng mga pulis ay kinumpirma ng biktima na pagmamay-ari nito ang kalabaw na kinuha ng suspek dahil na rin sa palatandaan nito.
Matagumpay namang naaresto ang suspek at nakuha mula rito ang kinuhang kalabaw.
Nasa kustodiya na ng PNP Ilagan City ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa PD 533 (Anti-Cattle Rustling Law).
Paalala naman ni PO2 Nicolas na ingatan ang mga alagang hayop at huwag iwan o ipastol sa mga lugar na dilikado upang maiwasan ang hindi magandang pangyayari.