Magsasaka na Maliligo sa Banyo, Patay sa Pamamaril

*Cauayan City, Isabela- Inaalam pa ng mga otoridad ang motibo sa nangyaring pagbaril sa isang magsasaka dakong alas-otso kagabi sa Brgy.* Disusuan, San Mariano, Isabela.

Nakilala ang biktima na si Sandro Baria, 45-anyos, may-asawa at residente sa naturang lugar.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay PCpl. Santos Ignacio, imbestigador sa kaso ng PNP San Mariano, galing sa bukid ang biktima at maliligo na sana sa labas ng kanilang bahay ng bigla na lamang pagbabarilin ng hindi pa matukoy na suspek gamit ang isang improvised shotgun.


Lumalabas sa pagsisiyasat ng mga otoridad, nagtamo ng limang tama ng bala ng baril ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Palaisipan pa sa ngayon ang dahilan ng pamamaril sa biktima at wala rin umanong nakakita sa insidente dahil madilim ang lugar ng mangyari ito.

Patuloy naman na tinitingnan ng mga pulis ang lahat ng anggulo sa walang awang pagpatay sa magsasaka.



Facebook Comments