
Patay matapos malaglag at malunod ang isang magsasaka na tumawid sa spillway sa Barangay Dipaya, Labangan, Zamboanga del Sur.
Kinilala ang 45-anyos na biktima na si Noel Lauranilla, residente ng Kaluway, Barangay Datagan, Pagadian City.
Sa ekslusibong interview ng RMN Pagadian sa pamilya ng biktima, nalaman na galing umano sa pagbebenta ng mais ang biktima sakay sa motorsiklo ngunit bumaba ito at tumawid sa spillway.
Nakatawid pa sa kabilang dulo ang biktima ngunit pagbalik nito, dahil madilim, hindi niya nakita umano na may putol na bahagi ang naturang spillway at hindi nasesemento kaya nalaglag ito at bumara pa sa ilalim ng imburnal.
Pinaghahanap pa ang biktima ngunit dahil madilim at malakas ang agos ng tubig, hindi ito nakita.
Kahapon ng umaga pa narekober ng mga rescuers ang katawan ng biktima.
Sa ngayon, panawagan ng Barangay Council ng Barangay Dipaya na bigyang pansin ng gobyerno ang naturang spillway para wala nang mabibiktima pa dahil hindi lang ito ang unang beses na may naanod sa nasabing spillway.
Noong mga nakaraang buwan, may ilang sasakyan din ang nadala sa agos ng baha—lalo na at ang naturang spillway ay daanan ng mga residente sa apat na barangay na katabi ng Barangay Dipaya, Labangan, Zamboanga del Sur.








