Magsasaka, Patay nang Mabangga ng Sasakyan!

*Cordon, Isabela- *Patay ang isang magsasaka matapos na mabangga ang minamaneho nitong motorsiklo ng isang sasakyan sa pambansang lansangan ng Brgy. Taringsing, Cordon, Isabela.

Kinilala ang nasawing biktima na driver ng pulang Euro 110, walang plaka na si Benjamin Martino, 57 anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Lutuad, Diffun, Quirino habang nakilala naman ang laborer na suspek na driver ng HI Ace Van na may plakang ABH 5394 na si Percival Mendoza.

Lumalabas sa imbestigasyon ng PNP Cordon, binabaybay ng suspek ang naturang lansangan at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay huminto ito sa right shoulder lane upang iwasan ang bumabagtas na tricycle at motorsiklo subalit natumbok pa rin nito ang motorsiklo ng biktima.


Nagtamo ng matinding sugat sa katawan ang biktima na agad namang dinala sa pagamutan para sa paunang lunas subalit binawian din ng buhay.

Dinala na sa himpilan ng PNP Cordon ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments