Isang magsasaka ang pinagbabaril, kahapon ng umaga sa bulubunduking bahagi ng Sitio Libag sa Cacaoiten, Mangatarem.
Batay sa ulat ng Mangatarem Police Station, naganap ang insidente bandang alas-5:30 ng umaga noong Hulyo 7, 2025.
Nagsimula umano ang insidente sa pagtatalo sa pagitan ng suspek at ng kanyang asawa.
Sa tangkang pag-aawat ng biktima, agad na kumuha ng improvised shotgun ang suspek at binaril ito sa likod, na tumagos hanggang sa tiyan.
Isang kamag-anak ng suspek ang agad na humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay, habang ang biktima ay mabilis na isinugod sa Mangatarem District Hospital para sa agarang lunas.
Patuloy naman ang isinasagawang hot pursuit operation ng pulisya upang mahuli ang tumatakas na suspek at makuha ang ginamit na armas.
Ayon sa mga awtoridad, tukoy na ang pagkakakilanlan ng suspek at tiniyak nilang hindi palalagpasin ang anumang uri ng karahasan sa kanilang nasasakupan.
Patuloy rin ang panawagan sa publiko na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng suspek. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









