Magsasaka sa Cagayan, Pinaghahanap pa rin Matapos Malunod!

Cauayan City, Isabela- Patuloy ap rin na pinaghahanap ng mga otoridad ang katawan ng isang magsasaka makaraang malunod sa ilog sa Sitio Masisit Brgy. Asassi, Baggao Cagayan.

Nakilala ang biktimang si Daniel Gannaban, 29 anyos, may asawa, at residente ng nabanggit na lugar.

Ayon sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, dakong alas 9:00 pa ng gabi noong Mayo 9, 2020 naganap ang insidente at naiulat lamang ito sa himpilan ng pulisya kahapon ng umaga.


Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nag-inuman ang biktima kasama ang kapatid at mga kamag-anak nito sa loob ng kanilang bahay at pagkalipas ng ilang sandali ay nagdesisyon ang mga ito na magtungo sa ilog upang manghuli ng isda.

Pinagbawalan pa ang mga ito ng kanilang ama dahil sila’y nasa impluwensya ng alak subalit tumuloy pa rin ang biktima kasama ang kapatid nito.

Nang makarating sa ilog ay lumusong ang biktima subalit pagkalipas ng ilang minuto ay hindi na ito nagpakita at pinaniniwalaang tinangay na ng tubig.

Agad namang humingi ng tulong ang kapatid nito subalit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nahahanap ang katawan ng biktima.

Facebook Comments