San Mariano, Isabela – Matapos ang limang taong pagtatago sa batas ay matagumpay na nahuli kahapon ng pinagsanib pwersa ng PNP San Mariano at PNP Sta. Ana Cagayan ang isang biyudong magsasaka dahil sa kasong child abused at acts of lasciviousness sa Brgy. Casambalangan, Sta. Ana Cagayan.
Ayon kay PO2 Rogelio Ignacio Jr. ang imbestigador ng San Mariano Police Station, kinilala ang akusado na si Felix Escueta, limampu’t dalawang taong gulang, biyudo, isang magsasaka at residente ng Minanga, San Mariano, Isabela.
Aniya, nahuli si Escueta sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni hukom Isaac de Alban ng RTC Branch 16 Ilagan City Isabela dahil sa kasong Acts of Lasciviousness kung saan ay makakalaya lamang si Escueta kung makakapaglagak ng piyansang nagkakahalaga ng isang daan at walumpung libong piso (Php180,000.00).
Samantala ang isa pang kaso ni Escueta na child abused ay ipinalabas naman ni hukom Andrew Barcena ng RTC Branch 17 at may nairekomendang piyansa na walumpung libong piso (Php80,000.00) para sa pansamantalang kalayaan nito.
Ang akusado ay nasa tanggapan na ng San Mariano Police Station para sa dokumentasyon bago dalhin sa court of origin nito.