Magsasaka, Sinaksak at Pinagtataga!

Reina Mercedes, Isabela – Kaagad na nabawian ng buhay ang isang magsasaka sa Reina Mercedes matapos saksakin at tinaga ng maraming beses ng kapwa nito magsasaka at kainuman kagabi sa oras na 9:40, March 8,2018.

Sa panayam ng RMN Cauayan News Team kay Chief of Police Senior Inspector Michael S. Esteban, nakilala ang biktima na si Bernard Valiente Lastimosa,24 anyos, walang asawa at residente ng Barangay Nappaccu Pequeno, Reina Mercedes, samantalang ang suspect ay si Michael De Vera Luyun, 38 anyos, may asawa, magsasaka at residente ng nasabing lugar.

Sinabi pa ni COP Esteban na tumawag sa kanilang tanggapan ang tiyuhin ng biktima na si Romy Mangabat upang ipaabot ang nangyaring pagpatay kay Bernard Lastimosa.


Sa imbestigasyon na isinagawa ng mga tauhan ng PNP Reina Mercedes sa pangunguna ni IOC PO3 Jorge N. Peralta, naabutan na ang biktima sa isang lugar ng gulayan na naliligo na sa sariling dugo ngunit itinakbo parin ng Rescue 922 sa pinakamalapit na ospital.Naideklara ring dead on arrival ang naturang biktima.

Nabatid rin sa imbestigasyon na nag-inuman ang biktima at ang suspek kasama ang mga nakilalang Bengamin Lastimosa, Juan Lastimosa at ang tumawag sa pulis na si Romy Mangabat.

Nagsimula ang inuman ng grupo sa oras na alas singko ng hapon at nagpaalam sina Bengamin at Juan sa oras na alas syete imedya ng gabi upang mauna nang umuwi kung saan naiwan ang tatlo sa isang maliit na kubo na malapit sa pinangyarihan ng krimen.

Sa panayam ng RMN Cauayan News Team sa saksi ng pangyayari na si Romy Mangabat, sinabi nya na maayos na nagpaalam ang dalawa na sila ay uuwi na ngunit pagkalipas lamang umano ng ilang minuto ay tumawag ng saklolo ang biktima kung saan agad nman na nagpunta ito na may tatlong metro lamang ang layo mula sa kubo na kanilang pinag-inuman.Nakita at naabutan ni Mangabat ang suspek sa ginawang pagpatay sa biktima ngunit kaagad na tumakbo si Luyun.

Kaagad na tumawag si Mangabat sa pulisya at sa tulong ng mga opisyales ng barangay ay nadakip ang suspek sa mismong bahay nito.

Sinabi pa ni Mangabat na dati nang nakainum ang biktima at suspek dahil nakita nya umano ang mga ito na umiinom na ng umaga kahapon ngunit wala nman umano syang nakita o narinig sa dalawa na may alitan o hindi pagkakaintindihan.

Ngunit lumalabas sa karagdagang imbestigasyon ng PNP Reina Mercedes na matagal nang alitan ang dahilan ng ginawang pagpatay ni Luyun kay Lastimosa.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang isang itak na ginamit ng suspek na dinala na sa crime laboratory at ang suspek ay nasa pag-iingat na ng PNP Reina Mercedes para sa karagdagan pang imbestigasyon.

Facebook Comments