Monday, February 9, 2026

MAGSASAKA, SUGATAN MATAPOS BIGLANG TAGAIN NG ISANG LALAKI

Isang 47-anyos na magsasaka ang nasugatan matapos umano’y pagtatagain ng isang matandang lalaki sa isang insidente ng pananaga na naganap dakong alas-11:00 ng gabi noong Pebrero 8, 2026 sa Barangay Pao Norte, City of San Fernando, La Union.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, dumaraan lamang ang biktima sa tapat ng bahay ng suspek upang ilipat ang kanyang alagang baka sa ibang lugar nang bigla siyang atakihin ng suspek gamit ang itak na may habang humigit-kumulang 18 pulgada.

Dahil sa pananaga, nagtamo ang biktima ng mga sugat sa balikat at ulo. Agad siyang isinugod sa ospital upang mabigyan ng agarang lunas.

Samantala, kusang-loob namang sumuko ang 63-anyos na suspek sa mga rumespondeng tauhan ng San Fernando City Police Station. Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang suspek kasama ang nasamsam na itak para sa kaukulang dokumentasyon at wastong disposisyon ng kaso.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidente at ang posibleng pananagutang kriminal ng suspek. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments