Cauayan City, Isabela-Arestado ang isang magsasaka na Top 8 Most Wanted Person Regional Level matapos umano nitong gahasain ang kanyang 13-anyos na anak na babae sa Quezon, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang suspek na si Diego Damias, 35-anyos at residente ng Sitio Jayan, Brgy. Bonifacio, Quezon, Nueva Vizcaya.
Batay sa imbestigasyon ng PNP Quezon, naganap ang insidente noong June 17, 2020 kung saan ang biktima at kanyang ina ay nagtungo sa pulisya para isumbong ang ginawa umanong panghahalay sa kanilang anak.
Nagsimula umano ang pangmomolestiya sa bata noong April 2020 kung saan ginagawa umano ito tuwing wala ang asawa dahil nagtatrabaho.
Kaugnay nito, nagawa din umanong takutin ng suspek ang kanyang anak na huwag sasabihin kahit kanino ang ginawang panghahalay kung hindi ay papatayin siya gamit ang kutsilyo.
Nagawa pa umano pangakuan ng suspek ang kanyang anak na ibibili ito ng bagong motorsiklo at bibigyan pa ng pera kapalit ng kanyang panghahalay.
Nabatid na sinasaktan umano ng suspek ang kanyang asawa kapag nagkakaroon sila ng mainiting pagtatalo sa hindi pa mabatid na dahilan.
Naaresto si Damias sa bisa ng Warrant of Arrest na ipinalabas ni hukom Cicero Jandoc ng RTC Br. 29 Bayombong Nueva Vizcaya para sa kasong RA 9262 na may inilaang piyansa na P72,000 habang tatlong counts ng Rape ngunit walang inirekomendang piyansa.
Dinakip ang suspek sa Tinoc, Ifugao matapos ang isinagawang manhunt operation laban sa kanya.