Magsasakang Lolo, Pinagtataga ng Kapwa Magsasaka!

Bambang, Nueva Viscaya- Kasalukuyang nagpapagaling ngayon sa pagamutan ang isang lolo matapos pagtatagain pasado alas nuwebe kagabi sa Purok 2 Brgy. San Leonardo, Bambang, Nueva Viscaya.

Kinilala ang biktima na si Daniel Pimentel, animnapu’t isang taong gulang, may-asawa, habang ang suspek naman ay kinilalang si Edgar Esmeralda, kwarentay singko anyos, may-asawa at pawang mga magsasaka at residente ng naturang Barangay.

Batay sa ulat ni PO3 Jimmy Rirao, ang Imbestigador ng PNP Bambang, pauwi na sa kanyang bahay ang biktima galing sa inuman at nagpahinga ito sa isang tulay nang biglang hugutin ng suspek ang kanyang itak na nakatali sa kanyang beywang at itinaga ng tatlong beses sa kanyang likod.


Ayon pa sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Rirao batay sa pahayag ng suspek, nag-aamok at nanghahamon umano ng away ang biktima sa suspek tuwing lango ito sa alak at mayroon din umano silang dating alitan tungkol sa bukid.

Kusa namang sumuko ang suspek sa isang brgy. Kagawad at dinala na ito sa himpilan ng PNP Bambang para sa kanyang kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments