Magsasakang Nangikil at Nagpakilalang NPA, Isa umanong Modus!

*News Update: *Modus para magkapera ang ginawang pangingikil ng isang magsasaka na si Fernando Gannaban, 39 anyos at residente ng Brgy. Gangalan, San Mariano, Isabela at nagpakilala bilang NPA sa alyas na “Ka Frank”.

Matatandaan na noong Enero 26, 2019 ay isinagawa ni Gannaban ang pangingikil kay Julius Agpoon Baltero, 46 anyos, at residente ng Brgy. Villapaz, Naguilian, Isabela.

Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay Police Senior Inspector Gary Macadangdang, hepe ng PNP Naguilian, kanyang sinabi na noong natanggap na ng biktima ang sulat ay agad na itong inihanda ang perang nagkakahalaga sa P150,000.00 dahil na rin sa takot at agad inireport sa himpilan ng pulisya ng Naguilian.


Aniya, tumawag pa si Gannaban kay Baltero at sinabing iwan na lamang ang nasabing pera partikular sa Monumento ni Jose Rizal sa Brgy. Zone 1, San Mariano, Isabela para doon na lamang kunin ang hinihinging halaga.

Kaugnay nito ay nagsagawa ng operasyon ang mga otoridad at nang tiyempong pupulutin na ni Gannaban ang pera na lingid sa kanyang kaalaman ang inilatag na operasyon ng mga otoridad.

Nagresulta ito sa pagkakahuli ng suspek at habang kinapkapan ay narekober mula sa kanyang bag ang isang hand grenade, isang pakete ng marijuana, isang unit ng cellphone, pera na nagkakahalaga ng isang libong piso at anim napu’t walong piraso ng pekeng limang daang piso na ginamit bilang boodle money.

Samantala, nananatili ngayon sa kustodiya ng PNP Naguilian si Gannaban na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9516 o Illegal Possession of Explosives, kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at kasong Extortion habang patuloy pa ang imbestigasyon sa totoong pagkakalinlan nito na maaari umanong kasapi ito ng NPA.

Facebook Comments