Magsasakang pinaslang dahil napagkamalang NPA, ikakasal na dapat

Image from Baretang Bikolnon

Magpapakasal na sana ang magsasakang si Lito Aguilar, kung hindi siya napagkamalamang kasapi ng New People’s Army (NPA).

Dead on the spot si Aguilar, 31, at bayaw nitong si Christopher Abraham, 33 sa umano’y engkwentrong naganap sa Barangay Taopon, bayan ng Panganiban, sa lalawigan ng Catanduanes noong Linggo, Setyembre 22.

Batay sa ulat ng 9th Infantry Division ng Philippine Army (PA), nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng militar at pinaghihinalaang miyembro ng komunistang grupo bandang ala-1:20 ng madaling araw.


Tumagal umano ang bakbakan ng mahigit 10 minuto at nasawi ang dalawa umanong rebelde.

Wala naman nasaktan o namatay sa panig ng gobyerno at nakuha nila sa pinangyarihan ng gulo ang isang AR15 rifle.

Mariing naman itinanggi ng barangay chairman sa lugar na miyembro ng NPA ang mga pinaslang na abaca strippers.

Buwelta ni Jeffrey Velasco, aide niya si Aguilar at inaayos ng mag-bayaw ang iba pang kailangan sa kasal nang mangyari ang pamamaril.

“Lima po silang magkakasama galing sa iisang pamilya. Naghahanap po sila ng panghandang hipon sa sapa dahil ikakasal si Lito ngayong Lunes. Andoon yung motor nila sa baba at kukunin na sana nila saka sila pinagbabaril,” sagot ng opisyal sa panayam ng Manila Bulletin.

Nakaligtas sa nasabing insidente ang tatlong kasama ng magsasaka.

Samantala, pinapaimbestigahan na ng isang bokal ang malagim na pangyayari.

Sabi ni Provincial Board Member Robert Fernandez, nagtataka siya kung bakit naging subject ang mga biktima sa sinasabing counter-terrorism effort ng militar.

Giit pa ng opisyal, sa tagal niyang naninilbihan sa nasabing bayan, matitiyak niyang walang presensya ng NPA doon.

Ayon naman sa Philippine Army, handa sila makipag-ugnayan sa isasagawang pagsisiyasat.

Facebook Comments