Magtulungan, huwag magsiraan – ASPAP

Dismayado ang Accredited Service Providers Association of PAGCOR (ASPAP) sa ilang personalidad na bumabatikos sa hindi umano pagbabayad ng buwis ng mga Pogo Service Providers (PSP).

Ayon sa tagapagsalita ng ASPAP na si Atty. Margarita Gutierrez, dapat umanong magkaisa ang lahat upang matulungan ang gobyerno sa paglaban sa krisis na kinahaharap ng bansa kaysa batikusin ito.

Ang pahayag ng ASPAP ay kasunod ng mga balitang lumalabas na dapat pagbayarin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga PSP ng buwis at habulin umano ang mga ilegal na nagpapatakbo ng offshore gaming operations sa bansa.


Kaugnay rin ito sa panukalang buwisan ang mga online sellers at retailers.

Umapela si Gutierrez sa publiko na alamin muna ang mga impormasyon kaugnay sa pagbabayad ng mga PSP ng kanilang buwis sapagkat hindi sila nagkulang sa pagbabayad ng regulatory fees at mga corporate at withholding taxes ng kanilang mga empleyado.

Paliwanag din ni Gutierrez, hindi na bago ang pagpapataw ng buwis sa mga online sellers at retailers sapagkat base sa mga tax laws, ang magbabayad lamang ng income tax ay yung mga kumikita ng higit sa P250,000 isang taon.

Ang panawagan ng BIR ay para sa pagreregister lamang ng mga online sellers at retailers ng kanilang mga negosyo at hindi ito nangangahulugang papatawan ang mga ito ng karagdagang buwis.

Kung matatandaan, pinayagan ng gobyerno ang limitadong operasyon ng PSP upang makakalap ng karagdagang pondo ang pamahalaan para sa paglaban sa epekto ng Coronavirus Disease (COVID-19) pandemic.

Ayon kay Gutierrez, kumolekta ang gobyerno ng karagdagang P6.42 bilyon sa personal at corporate income tax mula sa mga PSP at kahit wala pa ang pandemya, sinisiguro ng grupo na hindi sila nagkukulang sa pagbabayad ng buwis sa gobyerno.

Sa kabilang banda, iginiit naman ni Presidential Spokesman Harry Roque na kinokolekta ng gobyerno ang mga kakulangan ng mga PSP sa buwis, taliwas sa naging pahayag ni Senador Risa Hontiveros.

Ayon pa kay Roque, kailangan ng pamahalaan ng karagdagang pondo upang mapaigting nito ang paglaban sa banta ng COVID-19 sa bansa.

Facebook Comments